Ang tinaguriang pinakamayamang lungsod sa bansa ang siya ngayong may pinakamataas na bilang ng mga apektado ng dengue.
Ito ang hinaing ng mga Community Health Workers (CHWs) ng Quezon City sa mga lokal na opisyal ng lungsod. Naglunsad ng isang maikling programa sa harap ng Quezon City Hall ang grupo upang manawagan ng mas seryoso at mapagpasyang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa dengue.
Ayon kay Mel Yandog, tagapagsalita ng CHWs dito, kulang at di-kagyat ang mga tugon ng pamahalaan sa dengue. Paliwanag pa niya, ang taun-taong paglobo ng bilang ng mga apektado ay nagpapakita lamang ng kakulangan sa mga programa upang maiwasan ang nakamamatay na sakit .
Sa ngayon, may 3,948 na kaso mula Enero hanggang Agosto 20 ngayong taon kumpara sa 1,264 noong 2010. Mas mataas ng 2,684 o 212%.
Ang mga idineklarang “dengue hotspots” sa lungsod ay ang mga barangay ng Bagbag, San Bartolome, Commonwealth, Batasan Hills, at Holy Spirit.
Aniya, kapansin-pansin na kalakhan ng populasyon ng mga lugar na ito ay pawang maralita o mga pinakamahihirap sa lungsod. Ang sakit na dengue ay karaniwang matatagpuan sa mga napabayaan at kinalimutang bahagi ng mga lungsod at probinsiya. Kalakhan ng biktima nito ay mga mahihirap at salat sa nutrisyon, dagdag niya.
“Kahit sa mga pampublikong ospital, obligado pa ring gumastos ng hindi bababa sa P5,000 ang isang pasyente,” paliwanag niya. Nanawagan ang grupo na maglabas ang pamahalaan ng di bababa sa P5,000 bawat pasyenteng may sakit na dengue upang tugunan ang pang-medikal na pangangailangan sa ospital.
Sa kabuuan, nangangailangan ng P2 bilyon bilang ispesyal na budget sa mga may sakit ng dengue at dagdag na P5 bilyon upang gamitin sa kampanya upang iwasan ang sakit na ito.
Nanawagan si Yandog sa lokal na pamahalaan ng Quezon City na bigyan ng espesyal na pondo ang mga pampublikong ospital upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasyenteng may dengue. Dapat din na bigyang diin ng pamahalaan at paglaanan ng sapat na pondo ang mga programang pangkalusugan upang maiwasan ang dengue at mga kahalintulad na sakit.
Bukod sa dengue, banta sa kabuhayan at kalusugan ng mamamayan dito ang nakaambang demolisyon partikular sa mga kabahayan sa Damayang Lagi, E. Rodriguez, Quezon City. Ayon sa isang CHW dapat “atupagin ng pamahalaan ang pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga biktima ng dengue at hindi ang demolisyon sa mga abang maralita ng lungsod.”##